Life-Work.
LIFEWORK Napapangiti ako madalas nitong nakaraang araw. Pakiramdam ko, nitong mga nakaraang nagdaang mapupusok na taon, para akong kabayo na dedikado, desidido, at determinadong kumayod, tumakbo, tumalon pasulong paharap papunta sa magagandang walang kasiguraduhan kung saan ang mga ideya ay isinasaloob saka ipinapalabas, kung saan ang imahenasyon ay ginagawang katotohanan, isinisilang, binubuo atbinubuwag. Pakiramdam ko, nitong mga nakaraang araw, tinatanggal ko ang tapahoho (nakakakiliting salita, blinkers o blinders sa Ingles) na nakalagay sa palibot ng mga mata ng isang makina na tumatakbo ng ilang mega, ultra, giga-horse power pasulong, patungo sa hinaharap, hindi papipigil. Napapangiti ako madalas nitong mga araw dahil unti-unti ko ng natututunan na ipagdiwang ang kasalukuyan - ang mga tao at kanilang mumunting pagka-ordinaryo, kaibahan, kawirduhan, ingay at katahimikan, iba-ibang katotohanan. Sa kasalukuyan mainam din pala ang manahan - ang Ngayon bilang ngayon at hindi lang lagusan ng Kasaysayan at Bukas. Bukas para sa bukas. Sa ngayon, hangad kong makibahagi sa paglikha ng bagong kasaysayan. Ang magbigay saysay sa kasalukuyan. Natututunan kong ipagdiwang ang lahat sa aking paligid, ang kanilang kapayakan at kabaligtaran. Ang challenging maging present lalo na kapag ang visions ay materialized sa future. Turuan nawa ako ng lahat ng saya at saklap ng kasalukuyan na maging malakas at piliing maging mabuti at mapabuti ang bukas. Word play na lang siguro ito pero sobrang overwhelming talaga kapag nagtatanggal ng piring. Iniisip ko lang din, anong mundo ang gusto kong likhain para sa akin, sa atin, at dito, dito sa espasyo ng pakikibaka, pakikipagtalo at pagdiriwang ako magbabahagi ng oras at kakayahan. Kaya. Higit na magpaparticipate ako sa buhay (hindi lang sa participative theater). Para sa akin, walang linyang naghahati sa pagitan ng paglikha at buhay. Ang mabuhay ay paglikha. Ang paglikha ay ang mabuhay. Ito ang aking hininga at paghinga - maski pahinga ay paglikha (ng katahimikan, ng espasyo para magnilay-nilay, tutuldok). Kaya, labis na nagpapasalamat sa inyo mga mahal na kapatid, kasama, mangingibig’s (weh) kaibigan, hindi lang sa pagbati kundi sa inyong buhay- sa pagpapatuloy niyong mabuhay at lumikha, paghahanap o paggawa ng kahulugan, a lahat ng inyong takot, tuwa at tawanan. Pinipili kong maging mabuti at magbahagi dahil sa inyo. Kaya. Sisimulan ko ang isang bagong yugto: mga paglalakbay, paglikha nang mag-isa at maraming kasama, paghahanap, pagsisid sa lalim, paglipad sa kalawakan. Samahan niyo ako muli? Labis na pagmamahal. Mabuhay!